LASON
Mabait si Tatay. Masipag magtrabaho, malambing kay Nanay, mahilig magpatawa, responsable, at hindi sumisigaw. Tuwing pinagagalitan kami ni Nanay dahil may ginawa kaming mali, bigla kami kukunin ni Tatay tapos sasabihin, “Ikaw naman, bata lang naman sila eh…” tapos kikilitiin kami ni Ate Jenny.
Apat kaming nagsisiksikan sa isang barung-barong sa may Kalookan. Si Nanay ang nagaalaga sa amin ni Ate Jenny habang si Tatay ay umaalis para magtrabaho. Karpintero si Tatay sa isang pagawaan sa may Pandacan. Araw-araw umaalis si Tatay matapos uminom ng dalawang baso ng kape at kumain ng tatlong pan de sal. Babalik siya madilim na, kakain ng sandali, tapos tatabihan na niya kami sa pagtulog. Minsan nagigising ako tapos maririnig ko boses nilang dalawa ni Nanay, parang umuungol pero wala naman silang sinasabi kaya natutulog na lang ulit ako.
Si Ate Jenny nag-aaral malapit sa may munisipyo. Ako sa susunod na taon pa raw sabi ni Nanay. Lagi niyang sinasabi sa’min na mag-aral kami ng maigi dahil para lang daw sa kinabukasan namin nagtatrabaho ng maigi ang Tatay. Mahirap ang trabaho ni Tatay: walang tigil ang pagpupukpok at paglalagari at pagyayari niya ng mga upuan at lamesa sa pagawaan. Minsan kapag nakakadelihensya si Nanay sa mga kamag-anak ay dadalhan namin si Tatay ng paborito niyang kutsinta pangmeryenda. Ako paborito ko yung pansit tsaka yung manok na binibili ni Nanay sa palengke tuwing pasko o kaya pag bertdey ng isa sa amin.
Isang gabi hindi ko na naabutan umuwi si Tatay. Antagal naming naghintay ni Ate Jenny sa ilalim ng kulambo kaso wala si Tatay kaya sabi ni Nanay matulog na kami. Nagising ako dis-oras na ng gabi, narinig ko umiiyak si Nanay tapos nagsasalita si Tatay. Pinaalis daw silang mga karpintero sa pagawaan dahil magsasara na daw ito. Inisip ko siguro sa sobrang sipag ng mga karpintero doon gaya ni Tatay at ayaw pa nila umalis kahit kailangan na magsara ng pagawaan ngayong gabi at pinababalik na lang sila bukas.
Mula noon madalas hindi na lumalayo sa bahay si Tatay para magtrabaho. Minsan ay nakikita ko siya gumagawa ng mga upuan at lamesa at iba pang gamit pambahay ng mga kapitbahay namin sa labas ng pintuan. Tinanong ko kung bakit hindi na siya sa pagawaan nagyayari – sabi niya wala na daw siyang trabaho doon. Nawala na daw, parang bula. Inisip ko siguro may dumating na engkantada at minadyik yung pagawaan para mawala, gaya ng nakita ko sa Wansapanataym sa TV ng kapitbahay naming sila Jomjom.
Hindi na rin kami kumakain ng madalas mula noon. Tipid daw sabi ni Tatay, kasi wala na raw kaming pera. Madalas ang kinakain namin kanin at ang ulam naming ay asin. Kapag may nagpapagawa ng gamit kay Tatay o may nagpapalaba kay Nanay, ang ulam naming sitaw o kaya repolyo sa toyo. Hindi na kami nagrereklamo ni Ate kahit kumakalam ang sikmura namin kasi kapag sinasabi namin kay Nanay na gutom pa kami ay umiiyak ito.
Di na rin pumapasok sa skwelahan si Ate Jenny. Binenta na naming yung mga libro at gamit sa skwela sa mamang bote-dyaryo para may pangkain kami noong isang gabi. Wala rin naman daw pambaon si Ate Jenny, sabi ni Nanay. Madalas ay nasa may kalsada kami ni ate, humihingi ng pera sa mga dumaraan. Kinakarga ako ni Ate Jenny kasi daw mas malaki ang binibigay ng mga naka-kotse pag may batang kasama. Minsan habang nanlilimos kami ay nakita namin ang Tatay na umiinom mula sa maliit na baso sa bahay nila Ka Ambo. Nagagalit ang Nanay tuwing nalalaman niyang naglalasing ang Tatay. Inisip ko kasi siguro yung paglalasing niya ang dahilan ng ibang amoy ng hininga niya tuwing natutulog siya sa tabi namin.
Minsan biglang umuwi si Tatay at tinawag kaming tatlo sa loob ng bahay. Matatapos na raw ang paghihirap namin, sabi niya. Hindi na raw namin kailangan humingi ng limos. Hindi na raw kami magugutom.
Pinakita niya sa amin ang isang bote. Gamot daw yon, sabi niya. Binigay daw sa kanya ng albularyo. Pag ininom daw namin ito, matatapos na ang lahat. Ayaw na daw niya kami nakikitang naghihirap. Biglang umiyak ang Tatay. Mahal na mahal daw niya kami, sabi niya. Lahat daw ginawa niya para mabigyan kami ng kinabukasan. Galit daw sa kanya ang Diyos at ang mundo, kaya kami naghihirap. Ayaw niya daw kami madamay sa paghihirap na dapat siya lang ang nakakadama. Konti na lang daw, tapos magiging masaya na tayong lahat.
Naunang pinainom si Ate Jenny, tapos ako, tapos silang dalawa ni Nanay. Medyo mapait ang gamot, tapos mainit sa lalamunan. Ganoon daw yon, sabi ni Tatay. Inakap nya kaming lahat at humiga kami sa papag. Tulog na tayo, sabi niya. tanghali pa lang noon pero matapos uminom ng gamot ay bigla akong nahilo, parang naging malabo ang paningin ko at umikot ang mundo ko. Sabi ni Ate Jenny dumidilim daw ang paningin niya at masakit na masakit daw ang tiyan nya. Maya’t-maya ay naramdaman ko na rin ito. Niyakap kaming dalawa nina Nanay at Tatay habang umiiyak. Patawad daw, sabi ni Tatay. Patawad daw at mahal niya daw kami. Mahal na mahal. Nahihirapan ako huminga.
Humawak ako sa braso ng Tatay, tinitiis ang panandaliang sakit. Konti na lang, sabi ko sa sarili ko, konti na lang at hindi na ako magugutom. Ito ang sinabi ko sa sarili ko bago mawala ang aking gutom kasama ng aking buong kamalayan.
*Pasintabi kay Conrado de Quiros at sa pamilyang Cabini
#