TULA PARA KAY TONI GONZAGA
Kung minsa’y nasusulyapan ko siya:
Sa loob ng kahong itim, isang liwanag
na sumisinag sa loob ng tahanan
ng mga dwende’t dambuhala. Hiphop na
pananalita ang lumalabas
mula sa labing mabulaklak,
at boses na ‘sing lalim ng balon - parang alon
na umuugong mula sa loob ng kabibe
sa may dalampasigan, tunog na umaalingawngaw
mula sa kabundukan: malakas, nangingibabaw.
Isang gabi sa ilalim ng makulay na usok at putukan
ay nakita ko siya, nakatayo, nanonood,
minamasdan ang kalbong barakong humihiyaw sa
entablado. Sa kasiyahan ng mamamayan
siya ang tala; si Toni Gonzaga ang makulay na rosas
at ako ay isang bubuyog lamang, na gaya ng iba
ay nangangarap ring dumapo at makatikim
ng kanyang matamis na bulaklak.
Ilan na nga ba silang humalik sa labi mo, tumitig
sa iyong mga mata, ang iyong mga mata
na bulalakaw at ang mundo ay isa lamang maliit na bola
ng enerhiya, isang kometang naliligaw
sa gitna ng kalawakan, at ako ang batang naghahanap ng holen
na ilalaro sa palaruan ng kalawakan. Ako ang musmos
na estudyante na nagnanais na tumanda agad
upang mapangasawa ikaw,
ang guro kong maganda at mapagmahal. Turuan mo ako
kung paano humubog ng pigurin gaya ng porselana mong
mga balikat, hayaan mong umikot ang aking mundo
sa iyong kutis na ‘singliwanag ng araw, at pagbuhulin natin
ang ating mga dila na parang laso na nakatali sa mansanas
na alay ko sa’yo bilang bunga ng aking pag-ibig sa’yo.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home